Ipinagdiwang ng Pasuguan ng Republika ng Pilipinas sa Japan ang Buwan ng Wika Kasama ang mga Mag-aaral sa Pagtuklas ng Kultura Gamit ang Wikang Filipino
Noong ika-18 ng Agosto 2022, ipinagdiwang ng Pasuguan ng Republika ng Pilipinas ang Buwan ng Wika kasama ang mga mag-aaral ng Tokyo University of Foreign Studies (TUFS) at mga miyembro ng Association of Filipino Students in Japan (AFSJ).
Sa mensahe ni Chargé d’ Affaires (CDA) Robespierre L. Bolivar sa mga mag-aaral, kanyang ibinahagi ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taong 2022. Ito ay ang “Filipino at Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha”. Ito ang dahilan kung bakit minarapat ng Pasuguan na ipagdiwang ang Buwan ng wika kasama ang mga mag-aaral. Dagdag pa ni CDA Bolivar, layon din ng pagtitipong ito na pagtibayin ang pagkakaunawaan sa pagitan ng mga Pilipino at mga Hapon.
Ibinahagi din niya ang kataga ni Dr. Jose Rizal na “ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Ito ay nananatiling makabuluhan sa pamamagitan ng mga iskolar at dalubhasa na dala ang idealismo ng mga kabataan na kanilang hinuhubog upang magkaroon ng direksyon. Ang mga kabataang iskolar at dalubhasa ay maghahatid ng makabagong ideya, teknolohiya at kaalaman sa larangan ng kanilang mga pinag-aaralan. At ito ang mga kaalaman at teknolohiya na mahalaga sa pagtataguyod ng isang matatag at malakas na Pilipinas.
Nagtipon ang dalawang grupo ng mga mag-aaral online upang makipagkwentuhan tungkol sa kultura ng Japan and kultura ng Pilipinas. Gamit ang wikang Filipino, ang mga mag-aaral ng TUFS ay nagbahagi ng kanilang mga karanasan at kaalaman tungkol sa mga karaniwang pagkain, pagdiriwang at pananamit tuwing panahon ng tag-init sa Japan. Isa sa kanilang ipinakita ay ang damit na tinatawag na “Yukata.” Nagturo din sila ng isang sayaw na karaniwang natutunghayan sa Yamagata. Ito ay sinundan ng kanilang presentasyon ng “Karatong Subli” na isang tradisyonal na sayaw ng Pilipinas.
Ang mga mag-aaral naman na miyembro ng AFSJ ay nagbahagi tungkol sa kasaysayan ng baro’t saya. Ang paksang ito ay makakatulong upang lalong maunawaan ng mga mag-aaral ng TUFS ang mga kasuotang kanilang ginagamit sa kanilang mga sayaw bilang mga miyembro ng TUFS Cultural Dance Troupe.
Inaasahan na ang pagtitipong ito ay simula lamang ng pagkakakilanlan ng dalawang grupo ng mga mag-aaral upang patuloy silang magkaroon ng kanilang mga programa sa hinaharap na magtataguyod ng pagpapalaganap ng wika at kultura ng Pilipinas sa Japan.