Ugnayang Pilipinas at Hapon, Ipinagdiwang Sa “Buklod-Wika: Tagisan ng Pagtatalumpati sa Wikang Filipino”

“BUKLOD-WIKA: Tagisan sa Pagtatalumpati sa Wikang Filipino” – ang kauna-unahang patimpalak sa pagtatalumpati sa Wikang Filipino para sa mga mag-aaral na Hapon na inilunsad ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tokyo.
TOKYO, ika-20 ng Agosto 2026 – Matagumpay na idinaos ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tokyo ang kauna-unahang patimpalak sa pagtatalumpati sa Wikang Filipino para sa mga mag-aaral na Hapon na pinamagatang “BUKLOD-WIKA: Tagisan sa Pagtatalumpati sa Wikang Filipino,” sa Azabu Civic Hall, Lungsod ng Minato, Tokyo.
Ang patimpalak ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-70 taong anibersaryo ng normalisasyon ng ugnayang diplomatiko sa pagitan ng Pilipinas at Hapon ngayong 2026, gayundin ng paggunita sa Buwan ng Wika ngayong Agosto. Ito ay inilunsad ng Pasuguan sa pakikipagtulungan ng Pamahalaan ng Lungsod ng Minato, Tokyo.
Tampok sa naturang paligsahan ang mga mag-aaral mula sa sekundaryang antas na bumigkas ng piyesang “Ang Wika Ko,” isang tula na isinulat ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan na si Virgilio S. Almario na kilala rin sa sagisag-panulat na “Rio Alma.” Samantala, ipinamalas naman ng mga mag-aaral sa antas tersiyarya ang kanilang husay sa wikang Filipino sa pamamagitan ng pagbigkas ng kanilang mga orihinal na akda.

Ang labing-isang kalahok mula sa sekundarya at tersiyaryang antas kasama sina Ambassador Mylene J. Garcia-Albano at Deputy Chief of Mission Christian L. De Jesus [gitna].
Nagkamit ng unang gantimpala sa sekundaryang antas si Binibining Riko Kanai, isang ikalawang taon na mag-aaral sa Kitasato University-affiliated Junten High School. Para naman sa antas tersiyarya, iginawad ang unang gantimpala kay Binibining Anna Tsukuda, na isang mag-aaral sa ikaapat na taon sa Tokyo University of Foreign Studies, para sa kanyang orihinal na akda na pinamagatang “Bakit natin pinag-aaralan ang Filipino?” Labis na kinagiliwan ng mga manonood ang dedikasyon at husay ng mga kalahok sa paggamit at pagsasalita ng wikang Filipino.

Ambassador Mylene J. Garcia-Albano: “Ang dedikasyon ng mga kalahok na matutunan at maunawaan ang wikang Filipino at ibahagi ang kanilang mga akda ay isang patunay ng matibay na ugnayan at pagkakaibigan sa pagitan ng mga mamamayang Pilipino at Hapon.”
Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Ambassador Mylene J. Garcia-Albano na ang dedikasyon ng mga kalahok na matutunan at maunawaan ang wikang Filipino at ibahagi ang kanilang mga akda ay patunay ng matibay na ugnayan at pagkakaibigan sa pagitan ng mga mamamayang Pilipino at Hapon. Ipinahayag din nya ang kanyang hangad na sa pamamagitan ng mga gawaing nagtataguyod ng wika, kultura, at sining, ay matitiyak nating patuloy na yayabong ang pagkakaibigang ito sa mga susunod pang salinlahi.

[Kaliwa-kanan] Dr. Kanami Namiki, patnugot; Ginoong Hidetoshi Kamiura, pinuno ng Tsugeshoubou, ang lathalaan ng disksyunaryong Hapon-Filipino; Ambassador Mylene J. Garcia-Albano; Propesor Michiko Yamashita, punong patnugot; at Propesor Leith Casel, patnugot.
Kasabay ng patimpalak ay inilunsad ang bagong diksyunaryong Hapon-Filipino na inaasahang magsisilbing gabay sa paglinang ng pag-aaral ng wikang Filipino sa bansang Hapon. Pinangunahan ang paglulunsad ng mga patnugot na sina Propesor Michiko Yamashita, Propesor Leith Casel, at Dr. Kanami Namiki. Pormal din silang nagkaloob ng kopya ng diksyunaryo kay Ambassador Garcia-Albano.

[Paikot sa kanan] Ang mga pagtatanghal ng Pinoy Rondalla Tokyo; Binibining Kate Henry at Binibining Cymbelene Gatdula; at Tokyo University of Foreign Studies (TUFS) Philippine Cultural Dance Troupe.
Nagbigay kulay din sa programa ang mga kultural na pagtatanghal. Naghandog ang Pinoy Rondalla Tokyo ng mga awiting-bayan, habang ang Tokyo University of Foreign Studies (TUFS) Philippine Cultural Dance Troupe ay nagbigay sigla sa palatuntunan sa pamamagitan ng mga sayaw. Gayundin, naghandog sina Binibining Kate Henry, isang piyanista at guro ng musika sa Hapon, at Binibining Cymbelene Gatdula, isang soprano na nakadestino sa Hapon, ng mga tradisyunal na awiting Pilipino bilang pagpupugay sa mayamang kultura at kasaysayan ng Pilipinas.










