1. Home
  2. »
  3. Announcements
  4. »
  5. Mahalagang Paunawa

Mahalagang Paunawa

29 March 2011

MAHALAGANG PAUNAWA TUNGKOL SA SITWASYON
SA MGA PLANTANG NUKLEYAR SA FUKUSHIMA

Ika-29 ng Marso, 2011—Muli pong ipinaaalam ng Embahada sa mga Pilipino sa Japan ang tungkol sa mga kaganapang may kinalaman sa pagsasaayos ng mga plantang nukleyar sa Fukushima, na kasalukuyang isinasagawa ng pamahalaang Hapon.

Nananatili pa rin sa mga sandaling ito ang pagpapatupad sa agarang paglikas ng lahat ng naninirahan sa loob ng may 20-kilometrong layo mula sa plantang nukleyar sa Fukushima Daiichi, at mula 10- kilometrong layo mula sa Fukushima Daini.

Mahigpit pa ring ipinagbibilin ang pananatili sa loob ng kani-kanilang mga tahanan para sa mga nakatira sa paligid ng Fukushima Daiichi na may 20-30 kilometro ang layo sa planta.

Subalit mariing hinihimok ng Embahada ang mga Pilipinong naninirahan malapit sa may dakong Fukushima, lalo at higit ang mga Pilipinong nakatira sa loob ng 20-30 kilometrong layo mula sa Fukishima Dai-ichi Nuclear Plant, na sikaping gawin ang nararapat at kusang lumikas para lalong matiyak ang kanilang kaligtasan at bilang paghanda na rin sa anumang pangyayari. Ito ay alinsunod na rin sa payo ng Pamahalaang Hapon ng kusang paglikas sa mga naninirahan sa loob ng 20-30 kilometrong layo sa Fukishima Dai-ichi Nuclear Plant.

Sa gitna ng mga nangyayari, dapat pagtuunan ng pansin ang pangangalaga sa kalusugan at kaligtasan hindi lamang ng sarili kundi pati ng buong pamilya. Hinihikayat ang lahat na sundin ang mga alituntunin, babala, at mga pampublikong patalastas at paunawa mula sa pamahalaang lokal sa inyong mga lugar.

Pinaaalalahanan ang lahat tungkol sa pag-iingat sa pagkain ng ilang uri ng gulay at produktong-gatas na nagmumula sa mga karatig-lalawigan, at pag-iingat tungkol sa inuming tubig, alinsunod sa mga paunawa ng Pamahalaang Hapon.

Habang wala pang katiyakan ang pang-araw-araw na kalagayan ng pagsasaayos ng imprastrakturang nukleyar sa Fukushima, mas makabubuting suriin ng bawat Pilipino ang kani-kanilang kalagayan saan mang dako ng Japan naninirahan. Makabubuting pansamantalang lumayo o di-kaya’y makituloy muna sa mga kamag-anakan/kaibigan sa ibang bahagi ng Japan o sa Pilipinas bilang pag-iingat sa anumang pangyayari sa darating pang panahon.

Alalahaning maaring maging mahirap ang transportasyon at komunikasyon palabas at papasok sa inyong lalawigan sakaling magkaroon ng malawakan at sapilitang paglikas anumang oras dahil sa mga di-inaasahang pangyayari sa hinaharap.

Embahada ng Republika ng Pilipinas
Tokyo, Japan


19 March 2011, 10 am

Ayon sa paunawa ng Pamahalaang Hapon, ang lahat ng nakatira sa loob ng 20 kilometro mula sa Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant ay inabisuhang agad na lumikas. Ang lahat ng nakatira mahigit 20-30 kilometro mula sa nasabing lugar ay pinaalalahanang manatili sa loob ng kanilang mga bahay at tirahan. Sundin ang mga measures at guidelines ng pamahalaang lokal at civil defense authorities.

Pinaalalahan ang lahat na patuloy na subabayan ang mga pangyayari hinggil sa sitwasyon sa Fukushima at iba pang kaganapan tulad ng lindol at tsunami. Para sa mga Pilipinong na nasa mga apektadong lugar, maaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy para sa tulong sa kusang paglikas.

Sa kanilang pinakahuling briefing noong ika-18 ng Marso 2011 (14:00 UTC o 11:00 PM Japan time), ang International Atomic Energy Agency (IAEA), kasama ng Pamahalaang Hapon, ay nagsimulang bantayan ang radiation levels mula sa 47 na siyudad sa Japan.

Ayon sa unang pagsusukat ng IAEA, “ang radiation levels sa Tokyo at ibang siyudad ay malayo pa sa mga level na nangagailangan ng aksyon. Sa madaling salita, ito ay hindi nakapipinsala sa kalusugan ng tao.” Magsasagawa ng pangalawang pagsusukat ang IAEA sa loob ng madaling panahon.

Upang paghandaan ang anumang kaganapan, nagbigay ang Pamahalaang Hapon ng mga safety measures at mga resulta ng Environmental Radiation Measurement sa bawat prefecture ng bansang Hapon at iba pang diagram at paliwanag tungkol. Maaring mabasa ito sa mga sumusunod na website:

http://eq.yahoo.co.jp (Japanese)
http://eq.sakura.ne.jp (English, Japanese)
http://eq.wide.ad.jp (English, Japanese)
http://www.mofa.go.jp/j_info/visit/incidents/index.html (English)

Sa mga Pilipinong patuloy na nag-aalala kanilang kaligtasan at nagnanais na kusang lumikas palabas ng bansang Hapon ay hinihikayat na gawin ito.

Alalahanin po lamang na ang Narita Airport ay punung-puno na ng mga taong nais din lumikas palabas ng bansa, kaya’t maaaari ninyong subukan ang iba pang mga paliparan o daungan ng bapor.


16 March 2011, 23:20

Sa gitna ng mga pangyayari sa bansang Hapon, ang mga Pilipinong nagnanais na kusang lumikas palabas ng bansang Hapon ay hinihikayat na gawin ito.

Alalahanin po lamang na ang Narita Airport ay punung-puno na ng mga taong nais din lumikas palabas ng bansa, kaya’t maaaari ninyong subukan ang iba pang mga paliparan o daungan ng bapor.

Tagged as: