Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas sa kanyang pakikipagpulong sa mga Pilipino sa Tokyo, Japan
[Inihayag sa Tokyo, Japan, noong ika-2 ng Hunyo 2015]
Alam naman ho n’yo na galing tayong Canada. State visit rin po doon. Tapos, may naalala akong kuwento ng mga kababayan natin na pumuntang Estados Unidos para mag-immigrate. Kanina kasi kausap ko ‘yung may-ari ng Uniqlo, at sabi niya sa atin na nagpapadala sila ng mga estudyante sa atin, mga trabahador nila, para mag-aral mag-Ingles. So doon ko naalala ‘yung kuwento nitong kababayan natin na hindi masyado marunong mag-Ingles pagpunta ng Amerika.
So, pinuntahan niya ‘yung kaibigan niya na matagal nang nandoon. Umuwi ho kasi ng Pilipinas ‘yung kaibigan niyang naninirahan doon. “Pare, tulungan mo naman ako,” sabi niya. “Ano’ng problema?” “Eh may trabaho ako sa Amerika. Problema, di ako masyado magaling mag-Ingles. Baka pati pagkain, di ako makakain diyan. Paano ba ako kakain, saan ako kakain, ano ba oorderin ko?” Sabi ng kababayan, “Madali ‘yan. Pupunta ka sa isang lugar. Nakasulat sa labas, nakapaskil: Diner. D-I-N-E-R. Medyo mura pagkain diyan saka marami. Pagkatapos, upo ka doon sa counter. Diyan sa counter kasi pinakamabilis masilbihan. Tapos sabihin mo, ‘Coffee and donuts please.’” [Tawanan] “Ano naman ‘yon?” “Aba’y kape saka donut.” “Ah, masarap ‘yon!” “Okay, kung may problema ka, susunod naman ako sa inyo doon. Puntahan mo na lang ako.”
‘Yung kaibigan niya, isang buwan hong nasa Pilipinas pa bago bumalik ng Amerika. Nagkita sila after one month. Sabi ng kababayan nating isa, “Pare, buti na lang nakita kita.” “O, ano’ng problema?” “Isang buwan na akong kumakain ng coffee at donuts sa almusal, tanghalian, at saka hapunan. [Tawanan] Medyo purgang-purga na ako doon sa coffee and donuts. Tulungan mo naman akong maiba.” So sabi ng kaibigan, “Hindi problema ‘yan. Bukas, orderin mo naman: Ham and eggs please.” [Tawanan] So tinanong naman niya, “Ano naman ‘yan?” “Eh di hamon saka itlog.” “Sarap ‘yan!”
So nung gabi ho, habang nananaginip siya, ngumunguya siya dahil kinabukasan, [may] ham and eggs. Pumunta siya ngayon doon sa diner na paborito niya at tinanong ng nagsisilbi sa kanya, “What can I get you?” Sagot niya, “Ham and eggs, please.” Nangingiti. Siyempre, tapos na ang coffee and donuts. “Okay! How’d you like your eggs?” Sagot niya ngayon, “Pardon?” [Tawanan] “You know. Boiled, soft boiled, hard boiled, scrambled, fried, over easy, sunny side up, eggs benedict.” Lahat na ho ng klaseng itlog sinabi sa kanya. “Hmmm. Coffee and donuts, please.” [Tawanan]
Nabanggit ko ho kasi sa may-ari ng Uniqlo, na nagtayo na ng dalawampu’t tatlong branches nila sa Pilipinas. Ang target ho nun, dalawandaan. At mukhang patungo na nang patungo doon. At parang gusto pang i-accelerate. Mga 1,200 na empleado na po sila dito sa mga dalawampu’t tatlong tindahan nila. ‘Yung kakaiba nga sa Hapon, ‘yung Hapon hindi gagawin hanggang hindi perpekto. ‘Yung Pilipino naman, parang kadalasan matapang talaga. ‘Pag konti pa lang alam, parang feeling expert na. Puwede na, sugod na. [Tawanan] So sabi ko, “We are complementary. We should get together more and we will work on each other’s strengths and each other’s weaknesses.”
At dito na ho tayo sa pormal na parte ng ating speech:
Alam po ninyo, mahigit isang taon na lang ang natitira sa ating termino bilang pagka-Pangulo, at baka nga po ito na ang huling dalaw natin sa Japan bago tayo tuluyang bumaba. Alam po n’yo, dito sa Japan natin talagang na-experience, unang-una, ‘yung pagpuri sa ating mga kababayan: Sinasabi talagang significant ang kontribusyon sa kanilang lipunan. At dito nga, siguro 2010 pa ‘yon eh, din natin nakita–bigyan mo ang Pilipino ng pagkakataon at oportunidad na tama, talagang nagpapakita ng gilas maski saang parte ng mundo. At dagdag ko na rin ho, ‘yung isang parte ng mundo ko minsan ho talaga na kita naman n’yo ang aking makapal na buhok, dating medyo mas makapal ‘to. [Tawanan]
Lahat ng parte ng mundo, may Pilipino ho yata. Nagkaroon ng problema sa Ukraine, may mga kababayan tayong nasa Kiev. Nagkaroon naman ng gulo sa Yemen, may isanlibong Pilipino ang nasa Yemen. Noong nasa Canada ako, ‘yung kanila hong pinaka-northernmost communities, pumunta raw doon sa simbahan ng members of Parliament, parang 70 to 80 percent nung nandoon sa simbahan, Pilipino. Pati na rin ‘yung pinakaliblib na lugar sa Canada, mayroon din ho.
Hindi po ako nakakalimot: Noong huling Presidential elections, ang pagkapanalo ko po sa absentee votes, overwhelming. Kaya sa inyo pong lahat na nakihakbang, at patuloy na nakikihakbang sa Daang Matuwid, lalong dito sa Japan: Maraming-maraming salamat po sa oportunidad. [Palakpakan] Kayo nga po ang nagpunla ng pagbabago, kayo ang nagdidilig nito, at talaga naman pong tiwala ako na kayo pa rin ang magpapatuloy ng transpormasyong tinatamasa natin ngayon.
Mixed emotions din po ako kapag humaharap sa ating mga Filipino community. Sa isang banda, masaya akong makita ang tagumpay na tinatamasa ng mga kababayan natin sa iba’t ibang larangan. Sa kabilang banda naman, siyempre, nalulungkot din ako, dahil nahanap nila ang asenso hindi sa sarili nating tahanan, kundi sa ibayong dagat. Mabuti nga po, nitong mga nakaraang taon, ang balita sa atin–kailan lang hong nasabi sa atin ito–lumiliit nang lumiliit ang bilang ng mga Overseas Filipinos: Noon pong 2011, nasa mahigit 10 milyon ang Overseas Filipinos. Sa bilang ng DFA o Department of Foreign Affairs, nito pong 2014, nasa 8.359 million na lang ang Overseas Filipinos natin. Para sa akin po, magandang indicator ito na nakikita ng ating mga kababayan na gumaganda na ang buhay sa Pilipinas, at talaga naman pong sulit nang umuwi.
Paano po natin nagawa ito? Noon pong nagsimula tayo, ang panata natin: Pagbabago. Alam naman natin na malaki talaga ang minana nating mga problema, at hindi masosolusyunan ang lahat ng ito sa loob ng anim na taon. Pero ang tutok po natin, itong tinatawag nating inclusive growth. Sabi natin, hindi puwedeng aangat lang ang nasa itaas habang mapapag-iwanan ang nasa ibaba. Hindi puwedeng mag-abang lang ng ambon ang iba: Sabay-sabay tayong aangat, sabay-sabay tayong makikinabang sa lumalawak na oportunidad. Kaya nga po ang tutok natin nasa mga sektor ng edukasyon, kalusugan, at mga programang mag-aangat sa mga kababayan natin mula sa kahirapan.
Tiyak ko po, marami sa inyo ang nasa social media, kaya sana naman po nabalitaan ninyo ang mga magagandang nangyayari sa mga sektor na nabanggit natin. Sa edukasyon po, sarado na ang minana nating backlog sa classroom, upuan, at textbook. Sa classroom po, 66,800 ang kakulangan niyan nang dumating tayo; napunuan na po natin ang lahat nitong 2013. Bayad na po ‘yung 66,800 na ‘yan. ‘Yun pong sa upuan, kaunti lang naman, 2.5 million na silya, wala na rin po ‘yon; at sa textbook, 61.7 million naman ang kulang, iyan po naisara ang mga kakulangan 2012 pa lang.
Ikuwento ko na rin po ang isang halimbawa: Alam naman po ninyo, di-bababa sa 20 bagyo ang tumatama sa atin kada taon. At palagay ko, tulad ko, kayo rin ay magtataka, pag-upo natin sa puwesto, wala palang nagtuturo ng undergraduate course sa meteorology sa ating bansa. Iyan po ‘yung kurso ng pagbasa ng panahon: Kung uulan, kung gaano ito kalakas, at kung kailan ito at saan ito darating. Nagtulak po tayo agad ng pagbabago, at ngayon po, apat na State Universities and Colleges–o tinatawag na SUCs–na ang naunang naghain ng BS Meteorology sa antas ng kolehiyo. Nang dumaing po ang mga unibersidad na ito na mawawalan na raw sila ng pondo, tayo naman po ay tumawag kaagad sa Department of Budget and Management; at sabi ko po kay Secretary Butch Abad, hindi puwedeng mawalan ng pondo ito. Paano tayo aangat kung wala tayong sariling talento sa pagbasa ng panahon na parati nating problema taon-taon? Kaya nga po ngayon ay patuloy na nagsasanay ng mga bagong meteorologist ang ating mga State Universities and Colleges. Di po ba ‘yan naman talaga ang tama, na ang gobyerno, nakatutok talaga sa pangangailangan ng bansa?
Isang halimbawa pa lang po iyan sa sektor ng edukasyon. Kung iisa-isahin po natin ang lahat ng pagbabago, baka po hindi na tayo makauwi at sabihin I’m [bothering] my post. Dadaanan po natin nang mabilis: Sa PhilHealth po, na haligi ng ating Universal Healthcare Agenda, taong 2010, higit-kumulang kalahati o 51 percent lang ng ating populasyon ang saklaw nito. Pagdating po ng unang tatlong buwan ng 2015, umangat na iyan sa 87 percent. Ngayon nga po, kung kabilang ka sa pinakamahirap na 20 porsiyento ng populasyon, libre nang magpagamot sa mga pampublikong ospital. Noong araw po, itong PhilHealth nagagamit pampulitika. Bibigyan ka ng PhilHealth card–ang mga kababayan natin–kapag malapit na ang eleksiyon. Matapos ang eleksiyon, biglang hindi na tiyak kung nabayaran na ang premium, o kung magpapatuloy ang pagbayad ng premium. Pinalitan na rin po natin ang kalakarang iyan.
Itong Pantawid Pamilya naman pong programa, kung saan binibigyan ng insentibong cash grant ang mga mahihirap para panatilihing nag-aaral ang kanilang mga anak, pinalawak natin nang husto: Mula 786,523 kabahayan pagdating natin, nasa 4.4 milyong kabahayan na rin po ang saklaw na rin ng mga kabahayang nagpapatapos ng anak. Hindi na lang ho sa grade school, pati na sa high school.
Nito nga pong Abril, nagtapos na sa high school ang unang batch ng ating mga benepisyaryo na tinulungan sa pinalawak na high school program sa Pantawid Pamilya. 333,673 na kabataang Pilipino po iyan. Mayroon pong dalawang batang nagsalita para sa kanila noong tayo’y nagdaos ng pagdiriwang. Pareho silang nakapasa na po sa UP College of Engineering. Hindi po birong kurso ito; quota course po ito na kakailanganing mataas ang grado mo sa entrance exam at sa eskuwela para makapasok. Isipin po ninyo: Mga bata ito na talagang dumaan sa hirap, na kung hindi natulungan ng estado, at sa pupursige ng kanilang magulang, ay baka po hindi na nagpatuloy sa pag-aaral. Pero ngayon po, mayroon pang nakapasa na sa quota course, at naging mas mataas ang potensiyal na makakuha ng magagandang trabaho. Sa College of Engineering, ang balak po nilang dalawa ay Civil Engineering.
Talagang mapapakinabangan ng kanilang mga pamilya at ng kalakhang lipunan ang mga talento nila. At dahil sa kanila at sa mga tulad nila, di-hamak na mas mainam ang magiging sitwasyon ng susunod nilang salinlahi. Iyan po ang totoong bunga ng pagtutok natin at pagbibigay-lakas sa bawat Pilipino.
Kung oportunidad nga po ang pag-uusapan, talagang bumibida diyan ang TESDA, sa pangunguna ni Secretary Joel Villanueva. Isipin na lang po ninyo: Mula nang maupo tayo sa puwesto, nakapagtala na sila ng mahigit 7.4 million graduates sa iba’t ibang kurso sa technical and vocational education and training. ‘Yan po puwedeng multiple courses ang pinasukan nating mga kababayan.
Ang good news pa po: Kung dati, 28 porsiyento lang ng graduates ng scholarship programs nito ang nakakahanap ng trabaho, ngayon po ang average ay 70 percent na ang agad pang nakahanap ng trabaho sa loob ng anim na buwan. Baka po may nagtatanong, may ibubuga ba ang mga graduate ng TESDA? Ang kuwento po sa akin ni Sec. Joel Villanueva: May nag-training daw po sa TESDA para maging sertipikadong mekaniko. Noon tinatawanan siya ng mga kaklase niya, “Bakit ganyan ang ambisyon mo?” Ngayon po, nagtatrabaho na siya sa Australia. At kung tatanungin n’yo kung magkano ang sinasahod niya, isipin n’yo na lang po ang suweldo ng Pangulo ng Pilipinas. Tapos, doblehin n’yo. ‘Yon ang suweldo niya. [Tawanan] Sabi ko nga po, baka pagkatapos ng termino ko, mag-enroll na rin ako sa TESDA at sumama na rin ako sa asenso. [Tawanan]
Ano po ang epekto ng mga programang ito? Ito pong mga tinutulungan nating umangat, sila po ang titiyak na ang mga oportunidad na bumubukas dahil sa lumalagong ekonomiya ay talagang masusulit. Kapag nagkatrabaho po sila, kapag nagamit nila ang kanilang kaalaman, ang makukuha nilang mga sahod ay papasok naman ulit sa mga merkado at talaga naman pong lalo pang paaangatin ang ating ekonomiya. Ang mga negosyo naman, lalaki ang kita, palalawakin ang operasyon, at magdudulot ng trabaho para sa iba pang mamamayan. Ito nga po ang tinatawag nating virtuous cycle.
May mga paunang resulta na po ng ating pagsisikap. Nitong Enero, nasa 1.04 million ang nadagdag sa bilang ng mga Pilipinong nagtatrabaho. Noong Oktubre 2014, naitala ang 6.0 percent unemployment rate sa bansa: Ito po ang pinakamababa sa loob ng 10 taon. Linawin ko lang din po: Ang tinutukoy natin dito, mga permanenteng trabaho, hindi ‘yung tipong magkaroon ka lang ng pinagkakakitaan nang ilang linggo o nang ilang araw, kasali ka na sa bilang ng employed. Ibig sabihin po no’n, kung noong araw nakita n’yo ‘yung oyster–may t-shirt na oyster–ibig sabihin po no’n, pinagwalis sa kalsada nang isang linggo. Dahil iyon ‘yung survey period, gumanda ‘yung ating unemployment period. Pagkatapos ng survey period, wala na naman silang trabaho. Ngayon ho, hindi na puwede iyon.
Ang good news pa po: Ayon naman sa pinakahuling survey ng SWS, ang self-rated hunger nitong first quarter ngayong taon, nasa 13.5 percent na lang. Pinakamababa rin po ito sa nakaraang dekada.
Ang totoo po, talagang dumadami na ang bilang ng mga nababakanteng trabaho. Noong bata ako, at hindi naman ho ganung katagal ‘yon noong bata ako–ngayon medyo bata pa rin ako–ang mga signage na lagi nating nakikitang nakapaskil, di ho ba, “No Vacancy.” Ngayon po, napakarami nang “For Immediate Hiring.” ‘Yung ibang kumpanya, kanya-kanya ring pakulo. Di po ba dati, katakot-takot na pakiusap ang gagawin mo para lang ma-interview? Ngayon, may mga kumpanya nang ‘pag nagpa-interview ka, bibigyan ka pa ng almusal sa mga fastfoods na sikat. Kapag na-hire ka naman, pumasa ka sa interview, sagot na rin nila ang blow-out mo sa inyong pamilya dahil na-hire ka. Nagugulat nga ako dahil noong araw, noong ako po’y nag-blow-out sa pamilya ko, parang inipon ko muna ‘yung suweldo ko ng tatlong buwan at pinakiusapan ko na hinay-hinay ‘yung oorderin nila.
Kita po ninyo: Ang pinoproblema na natin ngayon, hindi na ‘yung walang makuhang trabaho ang mga kababayan natin, kundi kung paano sila sasanayin para makapasok sa maraming trabahong nagbubukasan. Kayo ho ba naisip ninyong aabot tayo sa puntong ito?
Iyan nga po ang ilan sa mga resulta ng lumalagong ekonomiya. Isipin po ninyo: Dahil sa maayos na paggastos at tapat na pamumuno, ang dating Sick Man of Asia, itinuturing nang Darling of Asia ngayon, at nasa investment grade status na po tayo. Nagtala tayo ng 6.3 percent average GDP growth kada taon mula 2010 hanggang 2014; at siyempre ‘yung 2015, inaasahan nating palalakihin pa ‘yan. Ito po ang pinakamabilis na paglago ng ating ekonomiya sa nakaraang 40 taon. Dagdag pa rito, nakamit na natin ang all-time high na foreign direct investments na nagkahalaga ng $6.2 billion nitong 2014. Ang sabi pa ng Bloomberg, magiging world’s second fastest growing economy ang Pilipinas ngayong taon. [Palakpakan]
Ito pong pag-angat natin, makikita rin natin sa mga ipinapatayong imprastruktura. Talaga pong matindi ang tutok natin diyan, dahil kapag mas madaling nakakapaglakbay ang produkto at serbisyo, lalong lumalago ang ekonomiya. Noon pong 2010, P165 billion ang budget ng Pilipinas para sa imprastruktura. Ngayon pong 2015, umabot na ‘yan sa P570 billion. Mahigit triple po ito at hindi po ito tulad dati na puwedeng daanin sa palakasan ang pagtatayo ng imprastruktura. Sa atin po, walang kampihan; nakatutok ang mga proyekto sa kung ano talaga ang may tunay na pakinabang sa ating mga mamamayan.
Marami nga po sa imprastrukturang ito, talagang dekada nang pinlano o ipinangako, pero sa termino lang natin naging totoo. Halimbawa po, sa Isabela, may isang tulay na 1995 pa hinihingi ng mga tagaroon dahil winasak ng isang dumaang bagyo, at saka ‘yung pagbaha ng ilog, ‘yung pagdaan ng mga troso, illegally cut logs, at iba pang debris na sumira sa kanya. Bago mabuo ang tulay, iikot nang isa’t kalahati hanggang dalawang oras ang mga kababayan natin para makatawid sa kabilang pampang ng ilog. Ngayon, para makatawid ka, 5 minuto na lang ang dating isang oras kalahati hanggang tatlong oras. Idiin ko lang po: Hindi po tayo nanalo sa Isabela noong nakaraang eleksiyon. Pero dahil po sa naipatayong imprastruktura, kahit mga pulitikong hindi natin kakampi, talaga pong nagpapasalamat. Naliliwanagan sila: Kapag may tunay na pangangailangan, hindi sila tatalikuran ng ating administrasyon.
Alam po n’yo, noong na-inaugurate ‘yung tulay–cute pa nga ho ‘yung pangalan–ang pangalan ho kasi ng tulay, Lullutan Bridge. [Tawanan] Ano naman kaya ang buong pangalan niyan, Lulutang at Lulubog? Eh noong araw ho kasi, mababa siyang tulay na talagang puwedeng mag-overflow. Kaya nang itinayo nga ho natin ngayon, mataas ang tulay na ‘yan para kung rumagasa na naman ang ilog, protektado sila.
So noong in-inaugurate ‘yon, sabi ho ng mga pulitiko po sa atin doon, “Alam ho n’yo, may pangalawa pa kaming tulay.” Sagot po ni Secretary Singson, “Alam n’yo nasa budget ‘yon, di lang na-approve ng Senado pero sa 2016 kasama na sa budget ‘yan.” “Eh kung gano’n ho, salamat. Eh dahil meron na ho tayo nung una, meron tayo nung pangalawa, merong pangatlo pa ho kaming tulay.” Sabi ko, “Sandali lang, ginawa na nga n’yo akong number two, tatlo pang tulay ang kailangan ninyo. Pero pupunta ho tayo doon kung kailangan talaga.”
Halimbawa po ulit: Sa Iloilo naman po, mayroong proyekto para sa irigasyon na kung tawagin ay Jalaur River Multi-purpose Project Stage 2. Unang inisip po ito noong taon na isinilang ako. Sa atin na nga po nasimulan–iniisip nila no’n, noong napanganganak ako, ngayon na talagang matindi na ang pag-iisip ko, ako na po ang nagsimula nitong ng proyektong ito.
Alam naman po ninyo, mahal magpatayo ng imprastruktura, at may hangganan naman po ang budget natin. Isa pong paraan para mapunuan ang budget pang-imprastruktura ay ang tinatawag nating Public-Private Partnership program. Dito po, magiging katuwang ng gobyerno ang mga pribadong kumpanya; bibigyan sila ng karapatang ipatayo ang mga proyekto at patakbuhin, para naman ang malilibreng pondo ay maitutok natin sa ibang nangangailangan din ng pondo, na mababa ‘yung tinatawag na commercial aspects. Sa PPP po, marami ring good news. Dati, kung ano-anong panunuyo at insentibo ang ibinibigay sa mga kumpanya, kasama na ang commercial development rights, subsidy, pati ang paggagarantiyang hindi sila malulugi para lang tumaya sila sa bansa. Ngayon, tayo na po ang sinusuyo; nag-uunahan at talagang nagtatagisan po sila. At kung dati halos tayo ang sagad-sagad magbayad, ngayon, tayo ang binabayaran ng prima para sa pribilehiyong itayo ang imprastrukturang kailangan natin. Halimbawa nga po, sa Mactan-Cebu International Airport Passenger Terminal Building, at NAIA Expressway Project Phase 2, umabot sa suma-total na P25 bilyon ang premium na nakuha ng gobyerno. Iyon ang ibinayad sa atin para sa karapatan nilang ipatayo ‘yung imprastrukturang kailangan natin.
Di po ba napakaganda ng sitwasyon ngayon? Mula nga po Disyembre 2011 hanggang nitong Mayo, nakapag-award at nakapaglagda na ng 9 PPP projects ang inyong pamahalaan at inaasahang madaragdagan pa ito ng isa ngayong buwan. Bukod dito–so magiging sampu na po–meron pa pong nakapilang 15 proyekto na nasa proseso na ng procurement at roll out. Ikumpara nga po natin: Sa halos limang taon natin sa tuwid na daan, nalampasan na natin ang pinagsamang 6 lamang na aprubadong solicited PPP projects mula sa nakaraang tatlong administrasyon. Kapag nai-roll out natin ang labinlimang proyektong nakapila kabilang na ang siyam na nai-award o nalagdaan, suma-total, 24 na proyekto po iyan. Apat na ulit po itong mga proyektong natapos kung ikukumpara sa pinagsamang tatlong administrasyong nauna sa atin.
Iba na po talaga ngayon: Mas patas at maigting ang kompetisyon, mas handang tumaya ang pribadong sektor, at nababawasan natin ang pagkakataon para magbulsa ng pondo ang mga tiwali. Ang kaban ng bayan, diretso na sa pagpapagawa ng maayos na kalsada, tulay, at mga estrukturang talagang kapaki-pakinabang. Di po ba dati, nangunguna sa listahan ng pinaka-corrupt na ahensiya ang Department of Public Works and Highways? Ngayon, isa na ito sa hinahangaang tanggapan. Sa pamumuno ni Secretary Babes Singson, kasama po natin ngayon, ang kulturang umiiral na dito ay mabubuod sa tinatawag nating 5Rs sa kanyang pamumuno: right projects at the right cost, right quality, and right on time, implemented by the right people. Ang resulta: Ang savings po ng ahensiya hanggang nitong Marso, umabot na sa P39 billion; dahil dito, napapaaga ang pagtugon sa pangangailangan ng taumbayan, at napapabilis ang pagdadala ng pakinabang sa ating mga Boss.
Tandaan na po natin: Nagawa natin ang lahat ng inisyatibang ito nang hindi nagtataas ng anumang buwis, maliban sa Sin Tax Reform na ipinasa para pangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino. Isipin ninyo: Kung matagal nang ginawa ng mga nauna sa atin ang tama at mabuting pamamahala, gaano na kaya katayog ang dapat sana nating narating sa kasalukuyan?
Sa harap nga po ng mga naabot nating tagumpay, masasabi ba nating puwede na tayong magrelaks? Puwede na ba tayong maging kampante at sabihing “Okay na ‘yan, puwede na ‘yan”? Ididiin ko lang po: Simula pa lang ito; kailangang ituloy ang reporma. Kailangang mapanagot ang mga nagkakasala sa bayan. Kailangang tuluyang maiwaksi ang kultura ng korupsiyon at ang siklo ng kahirapan. Huwag po nating kalimutan: Nariyan pa rin ang nagbabalak na ibalik tayo sa baluktot na sistema.
Kabilang po diyan ang mga tinatawag na trapo, o mga traditional politician. Sila po ang mga politikong mas gustong panatilihin ang mga problema sa kanilang sinasakupan, para sila lagi ang lalapitan ng tao para hingan ng tulong. Kapag may kailangang banda sa piyesta, ilapit mo kay Congressman. Kapag kailangan ng abuloy sa namatayan, idulog mo ‘yan kay Mayor. Kapag kailangan mag-solicit para sa liga ng basketball, aba, dalhin natin kay Konsehal. Ang resulta: Si Juan, baon sa utang-na-loob. At kailan naman ang singilan? Siyempre, walang iba kundi sa darating na halalan.
Ikukuwento ko na rin po ang isa pang halimbawa. Sa Bilibid po, mayroong mga nakapiit na kriminal, na sukat ba naman pong mahulihan ng band equipment at sound system, pati audio-video equipment, aircon, pati rin po jacuzzi nakita. Para pong nakatira sila sa condominium imbes na sa bilangguan. Nang harapin po sila ng kinauukulan, may humirit pa hong “Ano’ng gagawin ninyo sa amin, ipakukulong n’yo pa kami?” [Tawanan] Sa ibang ahensiya po, may nahuli ring gumagawa ng kung ano-anong kabulastugan. Ang salita raw po nila: Deka-dekada na naming ginagawa ito. Kayo, isang termino lang diyan. Hihintayin na lang namin kayong bumaba, para maituloy na namin ang dati naming kinagisnan. Talaga nga naman pong ayaw nila sa pagbabago.
Alam po n’yo, may mga nagmungkahi nga po dati, at hanggang sa kasalukuyan meron pang humihirit paminsan-minsan: Bakit di na lang i-extend ang termino at ituloy ang pagbabago sa ating pamumuno? Nang naging malinaw po sa kanilang hindi ako sang-ayon na baguhin ang Saligang Batas para pahabain ang termino ko, ang naging bagong version po ng tanong ay ganito po: Baka raw po gusto kong tumakbo sa ibang puwesto? Isa pa po: May balak pa daw ba akong mag-asawa? [Palakpakan] Paulit-ulit na nga hong tanong iyan. Sabi ko matagal na ho akong nagbabalak. Iniisip ko nga po kung ano ba talaga ang ipinapahiwatig ng mga tanong na ito. Ang totoo po yatang ibig nilang sabihin, “Tumakbo ka sa ibang puwesto, dahil mabuti nang nandiyan ka para manguna ka ulit kung kakailanganin namin ang iyong tulong.” Sa pagpapakasal naman po, hindi naman siguro sila nag-aabang ng imbitasyon. [Tawanan] Ang nasa isip po yata ng mga ito, sakaling palarin po tayong magkaanak, maganda na ‘yung may reserba silang tatawagin kung may problemang darating. ‘Yun pong nasa imahinasyon ko pa lang, mukhang naibo-volunteer na nila. Sa ganito pong pag-iisip, baka pati mga pamangkin ko po, na medyo nagkakaedad na ngayon, nasa linyang bente anyos na ngayon, ay baka ho sila magpalit ng apelyido. Baka sila ang ma-volunteer.
Kaya ang tama po yatang pananaw at ating pong mungkahi: Di ho ba kayo ang gumawa ng lahat ng ito, kayo ang nagdala ng pagbabago, at kayo ang magpapatuloy nito. Marami na po talaga tayong narating, pero marami pa rin tayong kailangang gawin. Ang tanong: Magyu-U-turn ho ba tayo pabalik sa baluktot na daan? O itutuloy natin ang pag-arangkada sa Daang Matuwid? Nasa kamay ng mamamayan ang patutunguhan ng Pilipinas. Lalo pa po’t palapit na nang palapit ang halalan ng taong 2016, marami na ang nagtatanong kung sino ang magpapatuloy ng maganda nating nasimulan pagbabago, lalo na sa pagbaba natin sa puwesto. Uulitin ko po: Kayo ang gumawa ng pagbabago, at kayo ang magpapatuloy nito. Nasa inyo ang pagpili ng tapat at matuwid na pinuno, na talaga namang gagamitin itong tinatamasa nating mas mataas na estado, upang lalo pang paangatin ang Pilipinas tungo sa katuparan ng ating kolektibong mga pinapangarap.
Kung may darating na papalit sa atin para apihin lang tayo, parang nag-U-turn nga lang po tayo sa dati. At palagay ko po, sino ho kaya sa atin ang papayag na magkaroon ng ganoong sitwasyon? Ididiin ko lang po: Iyong kinabukasang dadatnan natin, tayo at tayo pa rin ang gagawa, tayo ang magpapanatili, gaya ng paggawa ninyo sa pagbabagong tinatamasa natin ngayon.
Mga Boss, hayaan po ninyong idiin ko: Hindi tadhana ng Pilipino ang habambuhay na paghihirap. Hindi nakakabit sa pangalan natin ang walang humpay na pagdurusa. Nasa dugo natin ang pagtindig para sa tama; nasa lahi natin ang paglaban para sa katarungan. Tangan na po natin ang pagkakataong ituloy ang positibong transpormasyon ng bansa. Huwag tayong bibitiw. Ipamana natin sa susunod na mga henerasyon ng Pilipino ang maunlad na Pilipinas na matagal na nating pinapangarap. Patunayan nating “The Filipino is worth dying for,” “The Filipino is worth living for,” at talaga namang pong “The Filipino is worth fighting for.”
Isang karangalan ang mapaglingkuran ang lahing Pilipino. Magandang gabi po. Maraming salamat po sa inyong lahat.
Source: http://www.gov.ph/2015/06/03/speech-president-aquino-filipino-community-tokyo-japan/