Paalala sa Publiko
Pinaaalalahanan ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tokyo ang publiko na mag-ingat at huwag magpaloko sa mga panloloko o “scam” na kumakalat sa internet, lalo na sa mga “online dating sites.”
Maging mapagmatyag sa mga sumusunod na elemento ng scam na ito:
- Ang manloloko ay makikipag-chat sa mga “online dating sites” upang makahanap ng biktima. Matapos ang ilang buwan ay magiging magkasintahan sila bagama’t hindi pa nagkikita ng personal;
- Iimbitahan ng biktima ang manloloko na pumunta sa kanyang bansa upang mamasyal o kaya naman ay magpakasal;
- Magpapadala ng pera ang biktima upang ipambayad sa isang travel agency na mag-aasikaso sa biyahe ng manloloko;
- Sa araw ng biyahe, ang manloloko diumano ay nadisgrasya, naisugod sa ospital o kaya naman ay nakulong sa Immigration dahil sa pagdadala ng mga ipinagbabawal na mga bagay;
- Ang manloloko diumano ay nangangailangan ng malaking halaga ng pera upang makapagpagamot o kaya’y makalaya sa kulungan; at
- Matapos magpadala ng pera sa pamamagitan ng diumano’y travel agent o opisyal ng immigration, puputulin ng manloloko ang komunikasyon sa biktima.
Kung may kahina-hinalang tao o pangyayari na nagpapahiwatig ng scam na nasasaad, maaari lamang pong ipagbigay-alam sa pinakamalapit na Prefectural Police sa inyong lugar.
25 June 2015