Mga Paalala Sa Gitna ng Pagkabahala Sa Sunod-sunod Na Pagpapailanglang ng Misayl ng North Korea
30 Agosto 2017 – Sa gitna ng mga balita nang pagpapailanglang ng mga misayl ng North Korea patungong bansang Hapon, ang mga susunod na paalala ay maaring magsilbing gabay. Ito ay hango sa “Paghahanda sa Kalamidad: Gabay Para sa Mga Lider ng Komunidad,” isang publikasyon ng Pasuguan ng Pilipinas sa Japan & Network of Filipino Social Development Workers in Japan (NetFil) na inilathala noong 2015.
Mga dapat malaman sakaling may managap na armadong pagsalakay o teroristang pagkilos
- Upang maiwasan ang panganib, huwag magpadala sa sindak. Mahalagang makipag-ugnayan kayo sa inyong mga kasama sa komunidad, sa trabaho at sa lugar ng inyong pinaroroonan.
- Alalahanin na ang Gobernong Hapon ay handang tugunan ang sitwasyon, kasama ang mga local na opisyal ng gobyerno. Makinig sa kanilang mga anunsyo, babala at tagubilun.
- Kumuha ng tamang impormasyon laong-lalo sa pamamagitan ng TV at radyo mula sa mga opisyales ng gobyernong hapon.
Bago Maganap ang Sakuna
- Alamin kung mayroong magsisilbing bomb shelter sa inyong komunidad. Maghanap ng mga lugar na may silong o di kaya’y mga silid na walang bintana sa kalagitnaan ng mga mataas na gusali, mga lagusan o daanan sa ilalim ng lupa. Ang shelter ay may makapal na bubong at pader.
- Kung nakatira sa isang mataas na gusali, alamin kung ano ang pinakaligtas na lugar dito na maaaring tirahan sa panahon ng sakuna.
Habang may Sakuna
- Iwasan ang pagkakalantad sa radyasyon. Ang mga radioactive ionic particles ay napapasama sa alikabok na lumulutang sa hangin. Maaari itong malanghap o makapasok sa balat.
- Kung may anunsiyo na nagsasabi na ikaw ay lumikas dahil sa armadong pagsalakay, tandaan ang mga sumusunod:
- Kung ikaw ay nagmamaneho, panatiliing nakasara ang mga bintana, isara ang lagusan ng hangin, at gamitin ang umiikot na hangin sa loob ng sasakyan.
- Bago lumikas sa isang shelter, siguraduhin na nakasara ang kuryente, gaas at tubig sa inyong bahay. Iselyado din ang mga bintana, pinto at mga butas na mapapasukan ng hangin.
- Kung ang sinasabi na paunawa ng mga awtoridad ay manatili sa loob ng bahay, patayin ang air conditioner, at isara ang mga mapapasukan ng hangin. Kung mayroong basement, pumunta dito.
- Sa loob ng basement, siguruhin na selyado ang mga bintana. Kung galing sa labas, kailangang alisin muna ang panlabas na damit bago pumasok.
- Kung may alam o abiso sa parating na armadong pagsalakay, maghanda kung saang shelter pupunta.
- Ang paglikha ng isang selyadong lugar ay ang pagpigil ng pagpasok ng fallout dust sa loob ng shelter atbp. Sa pintuan, maglagay ng kumot, bubble wrap o plastic na tela para maiwasan ang pagpasok ng alikabok. Maglagay din ng tubig at shampoo upang banlawan kaagad ang nakalantad na buhok at balat bago pumasok. Iminumungkahi ng mga eksperto na gumamit ng escape hood kapag lumabas at tanggalin ito kaagad bago pumasok.
- Upang makagawa ng isang multi-layered protection, takpan ng kahoy ang mga bintana; pagkatapos, lagyan ng sakong buhangin at mga ladrilyo.
- Kung ikaw ay nasa labas ng bahay sa panahon ng pagsabog ng bomba, humanap kaagad ng masisilungan (shelter) sa loob ng dalawang minuto sa isang gusali na walang pinsala.
- Kung ikaw ay walang masilungan, mag-ingat pero mabilis kang gumalaw sa direksyon na salungat sa hangin at papalayo sa pinanggalingan ng pagsabog.
- Makinig at sundin ang mg utos at payo ng mga awtoridad at opisyales ng pamahalaan.
- Labis na mapanganib kung makakita ka ng nakakabulag na liwanag na sinusundan ng hangin na parang buhawi. Kapag sa tingin mo ang panganib ay nawala na, pumasok kaagad sa isang masisilungan pero siguraduhin mong inalis muna ang panlabas na damit. Maaari ding maligo upang alisin ang mga natitirang alikabok na may radyason.
- Kung nadapuan ng radyason ang iyong balat, magbabad sa isang tub (detoxification bath) na may laman na pantay na bahagi ng baking soda, apple cider vinegar at Epsom salt. Gumamit ng natural na sipilyo na gawa sa halaman.
- Iwasan din na mabasa sa ulan sa panahon ng pagsabog dahil madadagdagan ang pagkalantad sa radioactive particles. Kung kailangan lumabas, gumamit ng raincoat at bago pumasok, alisin kaagad ang nabasang damit. Gumamit din ng detox bath at i-brush ng maigi ang katawan. Ang senyales ng pagpasok ng radioactive material sa balat ay ang pagkasunog at pagka-paltos nito. Kailangan mo ring magpa-check-up sa local na medical center kung may bakas ng cesium ang iyong katawan.
- Maghandang gumamit ng respirator mask na markadong N95 at escape hood. Maaari ding gumamit ng mga takip sa mukha na mas mataas na kalidad sa maskarang N95. Iwasan ang mga mas mababa na kalidad ng maskara katulad nang mga ginagamit para sa ubo at sa alikabok. Ang escape hood ay parang kapote na may talukbong pero ito ay may takip sa mukha na gawa sa plastic na mapaglalagusan ng paningin at may aparato na nagsasala ng hangin. Ito ay kadalasang ginagamit upang makatakas sa nakapanghihinang usok.
- Uminom lamang ng potassium iodide (KI) o potassium iodate (KIO3) na tabletas sa tamang dosis at sa payo ng mga awtoridad o doctor. Ito ay para maprotektahan ang sarili laban sa thyroid cancer na dulot ng radioactive iodine, isang produkto ng pagsabog na nukleyar.
- Kung walang tabletas na KI, pahiran ang balat ng tincture of iodine (tulad ng Betadine). Babala: hindi puwedeng inumin ang iodine solution.
- Gumamit lamang ng telepono kung mahigpit na kinakailangan.
Pagkatapos ng Sakuna
- Makinig sa balita mula sa radyo at telebisyon ukol sa mga kailangan gawin, mga lugar na dapat iwasan, at kung saan at kailan maaaring lumikas.
- Iwasan ang mga lugar na may pinsala. Iwasan din ang mga lugar na markadong may peligro mula sa radyasyon.
- Kung pabalik kayo sa inyong nilikas na tahanan, siguraduhin na mayroong radyo na maaaring pakinggan para sa balita at flashlight na magagamit sa pagsisiyasat ng napinsalang bahay.
- Iwasan ang paglabas sa kalye. Kung kailangang lumabas ng bahay, mag-ingat sa mga pabagsak na gamit.