1. Home
  2. »
  3. お知らせ
  4. »
  5. Consular Advisories
  6. »
  7. PAUNAWA TUNGKOL SA ‘ePASSPORT’

PAUNAWA TUNGKOL SA ‘ePASSPORT’

Para sa kaalaman ng publiko, simula sa Miyerkules, ika-16 ng Hunyo 2010, ay mag-iisyu na ng ‘ePassport’ ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo, Japan para sa mga aplikante ng pasaporte. Ang ‘ePassport’ ang kauna-unahang pasaporte ng Pilipinas na mayroong ‘integrated circuit chip’, na naglalaman ng detalye tungkol sa pasaporte at sa taong pinagkalooban nito, alinsunod sa mga itinakdang panuntunan ng ‘International Civil Aviation Organization’ (ICAO).

Dahil kinakailangang kunan ng ‘biometric data’ na binubuo ng litrato, finger prints, at digitized signature ang bawat aplikante, tinatayang tatagal ng bahagya ang kabuuang oras na kakailanganin sa pag-proseso ng aplikasyon.

Layunin man ng Pasuguan na matanggap ang lahat ng aplikasyon ng pasaporte sa bawat araw, ang karagdagang mga kilos na kailangan sa pag-proseso ng aplikasyon kasama ang kawalan ng malaking espasyo publiko sa loob ng tanggapan ay makakaapekto sa kakayahan ng Pasuguan na tumanggap ng maraming aplikasyon. Dahil dito, pansamantalang magbibigay ng limitadong numero sa mga aplikante ng pasaporte (sa umaga at sa tanghali)

Habang maaaring mag-aplay bilang ‘walk-in applicant’ at pumila, maaari rin namang mag-aplay ‘online’ sa ‘http://tokyo.philembassy.net/pponline/‘ upang maiwasan ang pila, hindi na mangailangan ng numero, magkaroon ng takdang iskedyul, at mapabilis ang pag-proseso ng pasaporte.

Pinaaalalahanan ang publiko na kung maaari sana’y huwag nang magsama pa ng ibang tao sa pag-aaplay, maliban na lang sa mga batang magpapa-pasaporte na may edad 8-taon pababa na kailangang samahan ng kahit isang magulang.

Maliban sa personal na pagpunta ng aplikante para sa ‘biometric data capture’ at sa kaunting pagtaas ng halaga ng bagong pasaporte (JPY 7,800), walang ibang nabago sa mga kakailanganing bagay at/o mga dokumento sa pag-aaplay ng pasaporte gaya ng sa dating Machine Readable Passport (MRP).

Lahat ng uri ng pasaporte na kaloob ng Pamahalaan ng Republika ng Pilipinas ay mananatiling katanggap-tangap at may saysay hanggang sa petsang nakasaad sa mga ito.

Hindi kailangang magpalit ng ePassport ang mga Pilipinong mayroon nang hawak na Machine Readable Passport o MRP.

passportfly

Ika-15 ng Hunyo, 2010
Tokyo, Japan